Peak ng COVID-19 hospital admission sa bansa, posibleng maranasan sa Setyembre o Oktubre, ayon sa DOH; mga nagpapabakuna sa programang “PinasLakas”, mababa pa rin!

Aminado ang Department of Health (DOH) na nakikita nila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at mabilis na hawaan ng sakit sa National Capital Region (NCR).

Pero, sa kabila nito ay nagpapasalamat ang DOH dahil sa ngayon hindi ito sinasabayan ng pagtaas ng bilang ng mga naoospital.

Ayon kay Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, batay sa kanilang bagong projection ay posibleng maranasan ang peak ng hospital admission sa Setyembre hanggang Oktubre.


Pero, nilinaw ni De Guzman na ang peak ay hindi nangangahulugan na aabot talaga sa 50% o higit pa ang porsyento ng mga okupadong kama.

Posibleng aniya na kahit pa umabot sa peak ang admission ay mababa pa rin sa 50% ang healthcare utilization rate.

Samantala, nananatili pa rin mababa ang bilang ng mga nagpapabakuna sa programa ng DOH na “PinasLakas”.

Ayon sa DOH, mas palalakasin nila ang naturang programa upang makamit ang target na bilang na mabakunahan lalo na sa booster shot.

Kaugnay nito, sinabi rin ng mga eksperto na nagawa na ng bansa na maabot ang 91% vaccination coverage para sa target population, kaya walang rason para hindi rin maabot ito para sa booster dose.

Facebook Comments