Inaasahang papalo hanggang 400,000 per day ang bilang ng mga sasakyang daraan sa North Luzon Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway bago ang Pasko.
Sa interview ng RMN DZXL558, sinabi ni NLEX Traffic Senior Manager Robin Ignacio na sa ngayon ay banayad pa ang andar ng mga sasakyan sa mga nasabing expressway.
Pero bukas ng tanghali hanggang gabi, inaasahan ang peak volume ng mga motoristang magsisiuwian sa Norte.
Dinoble na rin ng pamunuan ng NLEX ang deployment ng kanilang mga toll teller at traffic marshall at pinaganda ang rfid upang matiyak ang mabilis na daloy ng mga sasakyan sa mga toll plaza.
May free towing din sa mga magkakaproblemang sasakyan simula bukas, December 23 hanggang 26 at sa January 1 hanggang 3, 2023.
Samantala, hindi gaya ng South Luzon Expressway, STAR Tollway, Skyway System, NAIA Expressway at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway ng San Miguel Corp., walang “toll holiday” sa NLEX at SCTEX.
Paliwanag ni Ignacio, sa halip na libreng toll sa mga piling oras ay naglunsad na lamang sila ng raffle para sa mga gumagamit ng RFID.