Pediatric vaccination sa Army General Hospital, sinimulan na rin

Sinimulan kahapon ng Philippine Army General Hospital (AGH) sa Fort Bonifacio ang kanilang pediatric vaccination drive para sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang.

Ang vaccination teams ay pinangunahan ni AGH Commanding Officer Col. Joanna Dalaguit na isa ring pediatrician.

Tinanggap ng mga AGH medical team ang mga walk-in na batang military dependents sa function hall ng hospital na kinabitan ng Disney-inspired na dekorasyon para maging kaaya-aya sa mga bata.


May mga ikinabit ding TV sa vaccination site kung saan nakapanood ng cartoons ang mga bata habang naghihintay na maturukan ng recalibrated Pfizer vaccine.

Paliwanag naman ni Col. Dalaguit sa mga magulang ng mga bata na ang pagpapabakuna ang epektibong paraan upang protektahan mula sa impeksyon ang mga bata dahil hindi lang aniya mga adult ang tinatamaan ng COVID-19.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 110,000 bata ang nahawaan ng COVID-19 mula Marso 2020 hanggang Enero ngayong taon.

Facebook Comments