Nakipagkasundo ang mga opisyal ng iba’t ibang mga Pedicab Operators and Drivers Association (PODA) sa Pasay Local Government Unit (LGU) sa pamamagitan ng Tricycle and Pedicab Franchising and Regulatory Office (TPFRO) na hindi muna sila mamamasada hanggang sa May 31, 2020.
Unang nagpatawag ng pulong ang lokal na pamahalaan sa naturang mga opisyal hinggil sa mga panuntunan o guidelines na dapat sundin ng mga pedicab gayundin ang mga tricycle na mamamasada sa panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ang naturang guidelines ay alinsunod sa health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang makontrol ang paglaganap ng COVID-19.
Sa naturang pulong ay inamin ng mga opisyal ng PODA na sa pamamagitan ni Pasay Alliance of PODA Inc. President Eliazar Dayrit, marami sa kanilang miyembro ang hindi makakasunod sa guidelines na inilatag ng lungsod dahil na rin sa katigasan ng ulo ng mga ito kung saan marami rin ang sumusuway sa mga alituntunin na ipinatutupad.
Iginiit pa ni Dayrit na may ilang lugar pa rin sa lungsod ng Pasay na nasa Extreme Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaya hindi sila ganap na makakabiyahe at ang kanilang hakbang ay isang paraan daw upang maiwasan din na kumalat o mahawahan ng virus ang kanilang mga miyembro maging ang publiko.
Base pa sa mga napagkasunduan, ang lahat ng pedicab, ligal man at may prangkisa, ay hindi muna maaaring bumiyahe, at ang bumibiyahe na pedicab, e-trike at e-bike na may sidecar ay siguradong huhulihin ng mga otoridad.