Pinayagan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng pelikulang “Barbie” sa mga sinehan sa Pilipinas.
Sa liham na ipinadala ng MTRCB kay Senator Francis Tolentino na ibinahagi sa media, ipinaliwanag ng board ang kanilang ginamit na batayan para payagan ang pagpapalabas ng pelikula na naging kontrobersyal dahil sa isang eksena nito na makikita ang isang mapa ng buong mundo at sa parte ng Asya ay makikita ang tila mga guhit na ‘nine-dash line’ ng China.
Nakasaad sa liham na pinahahalagahan ng MTRCB ang naging komento ng senador at sentimyento ng publiko kaya naman dalawang beses na dumaan sa screening ng board ang nasabing pelikula.
Hiningan din ng MTRCB ng paliwanag ang film distributor ng Barbie na Warner Bros. at kinonsulta rin ng board ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Office of the Solicitor General (OSG) gayundin ang mga eksperto sa West Philippine Sea kaugnay sa isyu.
Batay sa paliwanag ng MTRCB, ang dash lines na makikita sa bahagi ng mapa na may nakalagay na “Asia” ay hindi hugis letter U at ang dash lines nito ay walo lamang at hindi siyam taliwas sa totoong nine-dash line ng China.
Hindi rin makikita sa mapa ang mga bansang Pilipinas, Malaysia at Indonesia, hindi tulad sa mapa sa mga pelikulang unang na-ban sa bansa tulad ng “unchartered” at “abominable”.
Bukod dito, mayroon ding apat na dash lines na makikita sa mapa na mistulang “doodle” o iginuhit ng isang bata at ang mga linyang ito ay makikita rin sa Europe, North America, South America, Africa at sa Asia.
Naniniwala ang MTRCB na ikinonsidera ang lahat at walang basehan para i-ban ang pelikula sa bansa dahil wala naman itong malinaw o direktang depiction ng nine-dash line katulad sa ibang pelikula.
Sinabi naman ni Tolentino na iginagalang niya ang naging desisyon ng MTRCB magkagayunman nalulungkot siya sa naging pasya ng board dahil bukas ang ika-pitong taong anibersaryo ng pagkapanalo ng bansa sa arbitral court kung saan ipinawalang bisa ang nine-dash line ng China.
Dagdag pa ni Tolentino, dapat sana ay sinunod na lang ng MTRCB at Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-alis sa kontrobersyal na eksena lalo’t itutuloy rin ang pagpapalabas ng “Barbie” sa bansa.