Cauayan City, Isabela- Kaliwa’t kanan na ang ginagawang preparasyon ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) Isabela para sa pagdiriwang ng taunang Earth Day bukas, April 22.
Ayon kay PENRO Isabela officer Marlon Agnar, hinikayat nito ang publiko na maging kaisa sa pangangalaga ng inang kalikasan para sa kapakinabangan ng mas nakararami.
Sa pamamagitan nito ay mas makasisigurong malaki ang maitutulong ng kalikasan sa mga susunod pang hinaharap.
Mahalaga aniya ang pagdiriwang ng Earth Day upang mas lalong maprotektahan ang kalikasan laban sa mapang-abusong mga indibidwal na nagsasamantala sa pagsira nito.
Inihayag din ni Agnar na sa mga nais magtanim ng punong-kahoy ay maaaring makipag-ugnayan sa mga CENRO para dito.
Samantala, naglaan na rin ng 50 ektarya ng lupain sa ilang lugar sa Isabela para sa Bamboo Production at inaasahang mas mapalawak pa ang nasabing produksyon nito.
Ayon naman kay Federico Cauilan, CENRO Palanan, limitado lang ang pagkilos ng mga tauhan ng kanilang tanggapan upang masigurong masusunod ang health protocol sa pag-iwas sa COVID-19.
Nagsimula naman ang Communication and Education Campaign ng CENRO Naguilian kung saan target nila na makapagtanim ng 300 seedlings ng Narra sa Cabisera 8 sa City of Ilagan.