Naniniwala si Atty. Larry Gadon na hindi uubra ang ipinanunukalang people’s initiative ng ilang sektor para mabigyan ng prangkisa at makabalik sa himpapawid ang ABS-CBN Network.
Kasunod naman ito ng isinusulong ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) ang pagkuha ng lagda sa buong bansa para sa prangkisa ng nasabing network.
Paliwanag ni Gadon, ang pagkatawan ng mga kongresista sa kanilang mga botante ay dinala na sa Kongreso at ito ay pumabor para ibasura ang aplikasyon ng giant network noong magbotohan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio na mahaba ang proseso ng people’s initiative dahil kailangan ang 3% ng botante sa bawat distrito sa buong bansa.
Sakali man na makakalap ng 3% sa bawat distrito ay kailangan pa itong dumaan sa verification ng Comelec bago ito dalhin sa Korte Suprema.
Samantala, binatikos din ni Gadon ang resulta ng SWS survey na nagpapakitang mahigit 70% ng mga respondent ang pabor na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Aniya, halatang binayaran ang nasabing survey firm para palabasing nais ng mayorya ng publiko ang nais pabalikin sa ere ang channel 2.
Paliwanag ng abogado, kabilang ang SWS sa mga mapanlinlang upang palabasing boses ng taumbayan ang kanilang kinuha gayong iilang katao lamang ang mga tinanong.