‘PEOPLE’S MARCH’ | Grupong sumusuporta kay CJ Sereno, ikinasa

Manila, Philippines – Nagkasa ngayon ng isang ‘People’s March’ ang grupong nagpakilalang Coalition for Justice na binubuo ng iba’t ibang sektor, political at religious groups bilang pag-suporta kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na nahaharap ngayon sa reklamong impeachment sa House of Representatives.

Ayon kay CFJ, Convenor Pastor Caloy Diño, isasagawa nila ang protesta sa March 6, araw ng Martes bilang pag-suporta kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na nahaharap ngayon sa reklamong impeachment sa House of Representatives.

Bago mag-alas-otso ng umaga, magsisimulang magtipon ang grupo malapit sa Sandiganbayan at saka nila kakalampagin ang south gate ng Batasang Pambansa kung saan rin sila magsasagawa ng programa.


Sinabi pa ni Pastor Diño na kaisa nila ang punong mahistrado sa laban nito sa impeachment complaint at handa sila na suportahan ito hanggang sa Senado na mauupong Impeachment Court.

Kasabay nito, inalmahan pa ng grupo ang tila ‘One-Sided’ investigation umano sa impeachment process na ilang buwan nang dinidinig ng House Justice Committee na pinamumunuan ni Mindoro Oriental Representative Reynaldo Umali.

Matatandaan, sinabi ni Umali na sa susunod na linggo inaasahang maaaprubahan sa plenaryo ang Articles of Impeachment ng komite.

Kailangan itong makakuha ng sapat na boto bago iakyat sa Senado na sa ilalim ng 1987 Constitution ay magko-convene bilang Impeachment Court at maglilitis kung mananatili o sisibakin sa pwesto ang pinuno ng Korte Suprema.

Facebook Comments