Iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kailangang ayusin ang buong haba ng perimeter wall ng Forbes Park lalo na at malaking banta ito sa mga pedestrian kapag gumuho ito.
Nabatid na ilan sa mga bahagi ng pader ay bumagsak at kumalat ang mga debris nito sa EDSA.
Ayon kay MMDA EDSA Traffic Chief Bong Nebrija, mahalagang matugunan agad ito.
Iginiit ni Nebrija na responsibilidad nila sakaling may masaktan dito.
Bahagi ng kanilang civil obligation na ayusin ang pader upang walang masaktan.
Pangamba ni Nebrija, posibleng bumigay ang malaking bahagi ng pader dahil sa tuluy-tuloy na pag-uulan.
Sagot ng lokal na pamahalaan ng Makati, ang collapsed portion ng perimeter wall ay kasalukuyang inaayos ng may-ari ng lote kung saan nakatayo ang pader.
Pinayuhan naman ng MMDA ang mga pedestrians na iwasan munang lumapit sa perimeter wall ng Forbes Park lalo na kapag umuulan dahil lumalambot ang lupa at nagiging mabigat ito.