Ibinasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court ang kasong perjury na isinampa ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon laban sa sampung lider ng Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines.
Nag-ugat ang kaso matapos umanong makakuha ng mga datos si Esperon na hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission ang mga nasabing grupo.
Inakusahan din ni Esperon ang mga nabanggit na grupo na nagpopondo ng mga anti-government activities at nanghihikayat sa mga kabataan na sumama sa rebeldeng grupo.
Pero sa desisyon ng korte, nabigo ang prosekusyon na patunayan ang mga akusasyon laban sa mga respondent.
Nag-abang pa sa labas ng Hall of Justice ang mga tagasuporta ng mga human rights defender na kinasuhan ni Esperon.
Kabilang dito ang ilang alagad ng simbahan at mga miyembro ng Gabriela at Karapatan na masayang sinalubong ang mga napawalang sala na human rights defender.
Nanindigan si Cristina Palabay ang Sec. Gen. ng Karapatan na ang isinampang kaso sa kanila ay bahagi lang ng panggigipit noon ng administrasyong Duterte sa mga human rights defender na kumukwestyon sa drug war at walang kwentang pagpatay.