Iginiit ni Senator Lito Lapid na panahon na para magkaroon ng permanenteng ahensya na tutugon sa krisis sa tubig sa bansa.
Ang reaksyon ng senador ay kaugnay na rin sa Executive Order 22 na nilagdaan kamakailan ng pangulo kung saan magtatatag ng Comprehensive Water Resources Management Office (CWMRO) na layong pag-isahin sa iisang ahensya ang mga hakbang at regulatory functions ng mga tanggapan sa pamahalaan para maging available at sustainable ang suplay ng tubig sa bansa.
Ayon kay Lapid, kailangang-kailangan na ng bansa ng agarang solusyon sa kakapusan sa suplay ng tubig lalo ngayong panahon na sobra ang nararanasang init at napipinto pa ang pagtama ng El Niño sa bansa.
Para maisakatuparan ang pagkakaroon ng ahensya na mangangasiwa sa sapat na suplay ng tubig, hiningi ni Lapid ang suporta ng mga kasamahang mambabatas para mapagtibay ang Senate Bill 268 o ang pagbuo ng Water Resources Authority of the Philippines (WRAP).
Ang ahensyang ito ang hahanap ng ng solusyon sa krisis sa tubig dulot ng paglobo ng populasyon at patuloy na epekto ng climate change.
Bubuo rin ng regulasyon sa mga ahensya ng national at lokal na pamahalaan para sa water extraction at water distribution.