*Cauayan City, Isabela*- Kinumpirma ng Department of Health Region 2 na muling nadagdagan ng dalawang ‘Patient-Under-Investigation’ ng hinihinalang 2019 Novel Corona Virus ang Cagayan Valley.
Batay sa press release na ipinalabas ng DOH Region 2, kapwa mag-ina ang inoobserbahan ngayon sa isolation room ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Cagayan matapos bumisita ang mga ito sa bansang Hongkong at Macau at umuwi ng Pilipinas nito lamang Enero 29, 2020.
Mahigpit naman ang ginagawang hakbang ng Kagawaran ng Kalusugan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang hindi pagpasok ng nakamamatay na sakit sa Lambak ng Cagayan.
Paglilinaw naman ng DOH Region 2 na wala dapat ipangamba ang publiko dahil wala pang kumpirmadong biktima ng 2019 Ncov sa buong rehiyon.
Hinikayat naman ng nasabing ahensya na manatiling mapagbantay sa mga impormasyong may kaugnayan sa nakamamatay na sakit at maging maingat sa kalusugan.
Binigyang diin pa ng Department of Health Region 2 na huwag basta maniwala sa kahit anong impormasyon na nag-uugnay sa 2019 Ncov kung walang kumpirmasyon ang kanilang ahensya ukol dito.
Sa kabuuan, apat na ang naitala ng DOH region 2 na mga patient-under-investigation na kasalukuyang nananatili sa mga isolation room.
Umaasa naman ang Kagawaran ng Kalusugan na magiging negatibo ang magiging resulta ng mga pagsusuri sa mga ito upang hindi na madagdagan pa ang kaso ng 2019 Ncov sa bansa.