Sa layuning makabalik na sa trabaho ang ating mga kababayang na-displaced dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus areas, iminumungkahi ngayon ni Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik na sa operasyon ang personal care services tulad ng mga salon at barber shops.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na sa kanilang pagtaya nasa 1M pang mga Pilipino ang nananatiling walang trabaho.
Ayon kay Castelo, kapag pinayagang makapag operate muli ang mga salon at barberya nasa 400,000 mga manggagawa ang muling makakapaghanapbuhay.
50% ang target capacity para sa personal care services at mungkahi ng DTI sa mga salon at barber shop owners na maglagay rin ng outdoor services.
Samantala, isinusulong din ng DTI na ibalik ang indoor -dining kahit na 10% capacity lamang.
Sa pamamagitan aniya nito ay makakabalik sa trabaho ang nasa 100,000 na mga manggagawa na nagtatrabaho sa nabanggit na sektor.