Cauayan City, Isabela- Ipagbabawal pa rin ngayong Pasko ang personal na pagbisita ng mga kaanak sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nakakulong sa Cauayan City District Jail.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Chief Inspector Bonifacio Guitering, Jail Warden ng Cauayan City District Jail, nakikiusap ito sa mga kaanak at pamilya ng mga PDL na intindihin muna ang sitwasyon ngayon at isaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa kontra sa sakit na COVID-19.
Kanyang sinabi na kung nabakunahan na ang lahat ng mga detainees sa nasabing kulungan ay posibleng papayagan na ang personal na pagbisita sa susunod na taon.
Sa ngayon aniya ay isinasagawa pa rin sa virtual at pagtawag sa cellphone ang pag-uusap ng pamilya at ng PDL.
Ayon kay Chief Insp. Guitering, ito ay upang mapanatili ang pagiging COVID-19 free ng Cauayan City District Jail kung saan mula nang mag pandemya ay wala pang nagpositibo sa 220 na mga PDL.
Nilinaw ng Jail Warden na pinapayagan naman aniya ang mga nagdadala ng pagkain subalit iaabot lamang ito sa mga tauhan ng BJMP Cauayan at sila na ang magbibigay sa PDL.
Pero, masusi pa rin sinusuri ani Guitering ang mga pagkaing ipinapadala para matiyak na walang nakalagay o nakasilid na kontrabando.
Kaugnay nito, nagbabala si Chief Inspector Guitering sa mga nagbabalak magpuslit ng kontrabando na huwag nang magtangka upang hindi magsisi sa huli.