Pinamamadali ni Deputy Speaker Loren Legarda ang pag-amyenda sa Public Employment Service Office Act of 1999.
Sa inihaing House Bill 631 na nagrerebisa sa PESO Act, layunin nitong palawakin ang sakop at isama dito ang entrepreneurship.
Nakasaad sa panukala na papalitan ang pangalan ng PESO ng PEESO o Public Employment and Entrepreneurship Service Office (PEESO).
Paliwanag ni Legarda, ang pagkakaroon ng entrepreneurship sa mandato ng PESO ay target na makapag-alok ng trabaho at oportunidad sa pagnenegosyo na aangkop sa pangangailangan ng mga job seekers na sumailalim sa mga pagsasanay at konsultasyon.
Magtatatag din ng Barangay Employment and Entrepreneurship Service Office (BEESO) na magbibigay naman ng mas episyenteng sistema na mangangasiwa at magre-regulate sa labor market sa pamamagitan ng pag-uugnay sa gap sa pagitan ng mga naghahanap ng trabaho at mga employers.
Dagdag pa ni Legarda, ang amyenda sa PESO Act ay layong maresolba ang matagal nang problema ng gobyerno sa mataas na unemployment at underemployment ng bansa.
Ang 1999 PESO Act ay huling inamyendahan noong 2015 kung saan isinama rito ang paglikha ng permanent plantilla positions ng mga PESO personnel at ang paghuhugutan ng pondo.