Patuloy na hinihikayat ng Public Employment Service Office (PESO) Manila ang bawat Manileño na naghahanap ng trabaho na samantalahin na ikinakasang Mega Job Fair katuwang ang DZXL 558 Radyo Trabaho.
Ito’y isinasagawa sa Dapitan Sports Complex sa Instruccion Street sa Sampaloc, Manila hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa kasalukuyan, nasa halos 20 na ang na-hire on the spot at karamihan sa mga ito ay fresh graduate mula sa senior high kung saan ilan sa kanila ay magsisimula na bilang housekeeper, cashier, sales staff, promo, merchandizer at production staff.
Kaugnay nito, muling inaanyayahan ni Manila PESO Manager Fernan Bermejo ang mga residente o kahit residente ng lungsod lalo na ang mga naghahanap ng trabaho na magtungo na sa ikinakasang mega job fair upang magkaroon ng pagkakataon na ma-hire on the spot.
Sinabi pa ni Bermejo, muli silang magkakasa ng ilang serye ng job fair mula sa in-house, barangay at sa Kalinga sa Maynila upang kahit papaano ay makatulong sila na magkatrabaho na ang bawat Manileño.
Nagpapasalamat naman si Bermejo sa lahat ng kompanya at agency lalo na sa DZXL 558 Radyo Trabaho sa dahil sa pakikiisa sa mega job fair.