Ayon kay RCPC Mindaflor Aquino, ilang taniman ng mangga sa mga probinsya ng Nueva Vizcaya at Isabela ang apektado ng pag-atake ng pesteng ito sa mga bunga habang sa Cagayan naman, marami sa apektado ay ang mga dahon ng mga puno ng mangga.
Pangunahing sintomas aniya ng kurikong ay ang mga makikitang black spots na magkakatabi o magkakasunod sa bunga.
Dagdag niya, ang kurikong ay may dalawang klase, mayroong umaatake sa bunga ng mangga kahit sa maliliit pang mga bunga; at mayroon din namang sa dahon lamang ng mangga umaatake.
Paliwanag pa niya na maaaring umabot sa 70% na pinsala sa kita at produksyon ang maging epekto nito.
Batay sa datos, madalas umatake ang kurikong tuwing Nobyembre hanggang Pebrero sapagkat ito ang mga panahon na nag-uumpisa na ang flower induction ng mga puno ng mangga.
Iminungkahi niya ring mainam na solusyon ang fruit bagging at ang pagpapanatili ng kalinisan ng paligid ng mga tanim.
Maaari ring gawin ang smudging o pagsusuob tuwing hapon para mapaalis sa taniman at sa mga tanim ang mga peste.
Ibinahagi rin niyang host-specific o hindi lumilipat ng tanim na inaatake ang kurikong kaya naman sa mangga lamang ito umaatake at hindi nito naaapektuhan ang iba pang tanim sa paligid.
Samantala, makikita pa rin ang Anthracnose bilang sakit ng mangga na pinakabinabantayan lalo na at madalas itong dumadapo tuwing maulan.
Kanyang pinaalalahanan ang mga magsasaka na ipagbigay alam kaagad sa RCPC, tanggapan ng Municipal Agriculturist o mga Agricultural Technicians na umiikot sa kanilang lugar kung may naoobserbahang sintomas ng nasabing mga sakit upang mabigyan ng agarang solusyon.