Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng 74 mga bata na umano’y naturukan ng bakunang dengvaxia na humihingi ng probisyon para sa libreng serbisyong medikal at gamutan.
Bukod sa 74 mga bata, kasama rin na naghain ng petisyon para sa “mandamus,” ang ilang party-list at Association for the Rights of Children in Southeast Asia (ARCSEA) laban sa Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Iginiit ng mga petitioner na nabigo umano ang mga ahensya ng pamahalaan na maproteksyunan ang karapatan sa kalusugan ng mga bata na ginawa umano na mga “guinea pigs” sa eksperimento ng gobyerno at ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng anti-dengue vaccine.
Hinihiling nila sa SC na atasan ang gobyerno na ipakalat ng regular ang ulat ng nilikhang task force at ituro ang monitoring at pagsusuri sa “school-based immunization program” ng dengvaxia saka isumite ito sa Committee on Health sa Kamara at Senado; kabilang din dito ang patuloy na pag-aaral sa kaligtasan at bisa ng dengvaxia.
Nais rin nila na lumikha ng talaan ng lahat ng nabakunahan ng dengvaxia at bigyan sila ng libreng serbisyong medikal, monitoring sa masamang epekto, bigyan ng libreng gamutan at pagpapa-ospital kung makararanas ang bata ng sakit at magsagawa ang gobyerno ng inisyal at libreng konsultasyon ng mga binakunahan sa lahat ng lugar na sakop ng vaccination program.
Sa nasabing desisyon, lalabag umano ang SC sa prinsipyo ng separasyon ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan kung pagbibigyan nila ang petition for mandamus.
Wala rin umanong kapangyarihan ang SC para mapangibabawan ang executive department at mga ahensya nito.