Petisyon na humihiling na isapubliko ang tunay na kalagayan ng kalusugan at kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte, dinismiss ng Korte Suprema

Binasura ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na ilabas ang impormasyon ng tunay na kalagayan ng kalusugan at kaisipan ni Pangulong Rodrido Duterte mula nang maupo ito sa posisyon.

Sa 70 pahinang desisyon ng Korte Suprema na inilabas ngayong araw, ikinatwiran ng mga mahistrado na walang nakitang merito ang Urgent Petition for Mandamus ng petitioner na si Atty. Dino de Leon.

Nabigo rin anila ang petitioner na mapatunayan na dapat siyang panigan ng korte para pagbigyan ang kanyang petisyon.


Ayon pa sa Supreme Court, hindi rin napatunayan ng petitioner na may obligasyon ang Pangulo na ilabas ang kanyang kalagayan sa kalusugan.

Idinagdag ng Supreme Court na hindi natugunan ng petitioner ang mga batayan upang panigan ng korte ang hinhiling na mandamus.

Una nang naghain ng Urgent Petition for Mandamus nung April 13, 2020 ang abogado na humihiling na atasan ang korteng ilabas ang medical records ng Pangulo sa pamamagitan ng Office of the President o ng Executive Secretary.

Hiniling din na masailalim sa psychiatric test ang Pangulo para makumpira ang mga impormasyon sa kaniyang medical records at maberipika na kaya pa niyang pamunuan ang bansa.

Ginawa ng abogado ang paghahain ng petisyon matapos maobserbahan ang Pangulo ng kaniyang madalas na pag-absent sa mga pulong at pagliban sa kanyang mga pag-uulat sa publiko ng kalagayan ng bansa sa gitna ng kinakaharap na health crisis dulot ng sa COVID-19.

Ayon pa sa petisyon, nakitaan din sa mga pahayag at kilos ng Pangulo ang hindi akmang pagharap nito sa sitwasyon na naobserbahan din sa kanyang mga pagharap sa telebisyon tulad ng una nitong pag-uulat sa pagpapairal ng Republic Act No. 11469 (2020) “Bayanihan to Heal as One Act” kung saan masyado na itong naantala.

Facebook Comments