Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na obligahin ang pamahalaan na magsagawa ng COVID-19 mass testing.
Sa notice ng Supreme Court En Banc, hindi pinagbigyan ang petisyon ng Citizens Urgent Response to End COVID-19 o CURE sa pangunguna ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, at iba pang mga grupo.
Ikinatwiran ng Supreme Court na bigo ang petitioners na magpakita ng sapat na dahilan para maglabas ang Korte Suprema ng writ of mandamus.
Ayon sa Korte Suprema, ang mandamus petition ay angkop lamang kung mayroong “mandatory duty” at sa naturang usapin, wala anilang duty para sa mass testing, bukod pa sa walang administrative remedies na ginawa ang mga petitioner.
Nag-disent naman sa botohan si Associate Justice Marvic Leonen dahil dapat ay pinagkomento raw muna ang mga petitioner.
Una nang hiniling sa Korte Suprema ng petitioners na obligahin ang mga ahensya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Health na magsagawa ng mass testing, malawakang contact tracing and isolation at epektibong pagtugon sa mga nagpopositibo sa COVID-19.