Manila, Philippines – Bigong madesisyunan ng KataasTaasang Hukuman ang petisyon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Ito ay makaraang mag-inhibit ang mahistrado ng Korte Suprema na naatasang magponente sa kasong inihain ni Marcos at ng tinaguriang Ilocos 6.
Si Associate Justice Diosdado Peralta ay kusang bumitiw sa kaso dahil kamag-anak niya ang respondent na si House Majority Leader Rodolfo Farinas na siyang nagsulong na siyasatin sa Kamara de Representantes ang umano’y anomalya sa paggamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte sa tobaco excise tax fund.
Sa kanya rin aniya madalas manumpa sa pwesto ang mga Marcos na nahahalal sa gobyerno.
Nang dahil sa pag-iinhibit ni Peralta, muling ira-raffle ang kaso sa bagong ponente.
Bukod kay Peralta, nag-inhibit din sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Andres Reyes.
Sa petisyon ni Marcos, hiniling nila na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na pipigil sa pagsisiyasat ng House Committee on good government and public accountability sa tobacco excise tax fund.
Hiniling din nila sa Korte Suprema na hawakan ang writ of habeas corpus case at iutos ang pagpapalaya sa Ilocos 6 sa pamamagitan ng pagpapalabas ng writ of Amparo.
Ang Ilocos 6 na mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte ay iniutos na makulong nuon pang May 29 matapos hindi magustuhan ng mga kongresista ang sagot nila tungkol sa mga biniling sasakyan na pinaggamitan ng tobaco excise tax fund na nagkakahalaga ng 66.45 million pesos.