Friday, January 30, 2026

Petisyon ni Zaldy Co laban sa Ombudsman, tatalakayin ng Korte Suprema

Tatalakayin ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang petisyong inihain ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na humihiling ng temporary restraining order laban sa paghahain ng Office of the Ombudsman ng reklamo sa kaniya sa Sandiganbayan.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, isasama sa agenda ng Kataas-taasang Hukuman ang naturang petisyon.

Gayunman, hindi pa malinaw kung maaapektuhan ng petisyon ni Co ang naunang ruling ng Korte Suprema noong nakaraang taon na naglalayong ipagbawal ang paghingi ng judicial relief ng mga pugante.

Batay sa petisyon, iginiit ni Co na nilabag umano ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kanyang karapatan sa due process dahil minadali umano ang kaso laban sa kaniya at hindi isinama sa konsiderasyon ang ulat ng Independent Commission for Infrastructure na walang inirekomendang pagsasampa ng kaso.

Idinadawit ang dating kongresista sa mga alegasyon ng maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.

Facebook Comments