Manila, Philippines – Maghahain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa wage board na dagdagan ang minimum wage ng mga manggagawang nasa pribadong sektor.
Sa ihahaing petisyon, hinihiling ng TUCP na magkaroon ng P768 dagdag sa minimum wage sa pribadong sektor sa Central Luzon at Calabarzon.
Hihirit rin sila ng P782 dagdag sa minimum wage sa Northern Mindanao.
Kasalukuyang nasa P400 ang minimum wage sa Central Luzon at Calabarzon habang nasa P365 ang minimum wage sa Northern Mindanao.
Ayon kay Luis Corral, TUCP Vice President, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi naman itinataas ang sahod ng mga manggagawa kaya paanong sasapat ang P10,000 kada buwan.
Kasabay nito, pinabulaanan naman ng grupo na sinasabayan lang nila ang panahon ng pangangampanya at halalan.
Bagaman suntok sa buwan, iginiit ni Corral na kailangan nila itong gawin para malaman ng administrasyong Duterte ang tunay na estado ng mga manggagawa sa bansa.