Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles matapos ang ginanap na pagpupulong kagabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ng sugar stakeholders sa Malakanyang.
Ayon kay Angeles, lumabas sa panukala ng stakeholders na kailangan ng bansa ng 150,000 metriko tonelada ng asukal upang matugunan ang malaking pangangailangan nito ng manufacturing industry.
Nakadepende kasi aniya sa patuloy na produksyon ng pagkain ng industriyang ito ang trabaho ng maraming manggagawa kaya kailangang hindi matigil ang kanilang operasyon.
Hindi naman masabi pa ni Angeles kung inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang dami ng aangkating asukal o kung mababawasan pa ang 150,000 metric tons.
Sa ngayon kasi ay pinaiinspeksyon muna ng pangulo ang mga bodega sa bansa na pinaniniwalaang nag-iimbak ng suplay ng asukal, batay na rin sa mga natatanggap na impormasyon ng Office of the Executive Secretary at Office of the President.