Binigyan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa paggamit ng COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech sa bansa.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, pumasa sa lahat ng kondisyon para mabigyan ng EUA ang bakuna ng Pfizer-BioNTech kabilang ang epektibo at kayang mapigilan ang COVID-19 at ang mas mataas na “potential benefit” ng bakuna, kumpara sa “potential risk” nito sa Coronavirus.
Lumalabas din sa pag-aaral na 95 percent ang efficacy rate o bisa nito sa 92 porsyento ng populasyon.
Sa ilalim ng EUA na iginawad ng FDA, ang Pfizer Philippines Inc. ang siyang magsu-supply ng bakuna na ibibigay sa mga may edad 16 pataas.
Inaatasan din ng FDA ang local supplier na magsumite ng quarterly manufacturing reports tungkol sa bakunang ginawaran ng EUA, ulat sa posibleng adverse event at maghanda ng cold chain storage at monitoring.
Epektibo lang ang EUA ng Pfizer-BioNTech hangga’t nasa ilalim ng public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19.