Pinabubuhusan ni House Committee on Health Chairman Angelina Tan ng pondo ang Philippine Genome Center (PGC) na may layong palakasin ang genome sequencing sa bansa.
Para kay Tan, ngayong may presensya na ng iba’t ibang “variants” ng COVID-19 sa Pilipinas ay higit lalong dapat na mapalawak pa ang pagsusuri ng PGC, na nasa ilalim ng University of the Philippines o UP-System.
Naniniwala ang kongresista na posibleng mas marami pa ang kaso ng Delta variant na hindi lamang nade-detect at naitatala dahil sa limitadong resources ng PGC.
Umapela si Tan sa pamahalaan na bigyan ng malaking pondo ang PGC upang mas marami pa ang masuri na makakatulong sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Nauna nang sinabi ng PGC na bagama’t nakakagawa na sila ng genome sequencing na 750 na samples kada linggo, mas mapaparami pa ito kung bibigyan sila ng dagdag na pondo para makabili ng mga genome sequencing equipment at makapagsanay pa ng mas maraming tauhan.