Nanawagan ngayon ang Philippine Genome Center (PGC) sa mga accredited laboratory ng Department of Health (DOH) na i-fasttrack ang pagsusumite sa kanila ng COVID-19 samples.
Ito ay bilang paghahanda na rin sa posibleng pagpasok sa bansa ng Omicron variant na lubhang nakakahawa kaysa sa Delta variant.
Ayon kay PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma, kailangang mag-double time ang mga laboratoryo sa pagpapadala ng samples lalo na’t minsan ay hindi napupuno ang kanilang kapasidad na 750 weekly para sa genome sequencing.
Aniya, maaaring makipag-ugnayan ang mga Regional Epidemiology Surveillance Units upang mapadala agad ang mga sample sa Philippine Genome Center.
Sinabi ni Saloma na sa ngayon ay wala pa silang nadi-detect na Omicron variant.
Aniya, karamihan sa mga lumalabas sa kanilang pagsususi ay Delta variant.