PGH at iba pang specialty hospital ng gobyerno sa NCR, binuhusan ng pondo ngayong taon para makatugon sa pandemya

Tiniyak ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na suportado ng pambansang budget ngayong taon ang mga ospital na pinapatakbo ng gobyerno para makatugon sa paglobo ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Angara, ngayong taon ay binigyan ng dagdag na pondo ang mga specialty hospital upang mapalakas ang kakayahan para sa pinangangambahang pagtaas ng pasyenteng tinatamaan ng COVID-19.

Tinukoy ni Angara ang UP-Philippine General Hospital na dinagdagan ng ₱510 million ang budget para infrastructure at mga kailangang kagamitan.


Binanggit din ni Angara ang East Avenue Medical Center na binigyang ng ₱656.8 million para sa pag-upgrade ng pasilidad at serbisyo.

Ayon kay Angara, ang Lung Center of the Philippines naman ay dinagdagan ng ₱75 million ang pondo para mapahusay ang serbisyo sa mga pasyenteng may cancer at iba pang sakit sa baga.

Sabi ni Angara, pinagbigyan din ang request ng Philippine Children’s Medical Center na ₱8.5 million para sa medical assistance sa mga bata na may sakit sa puso at kailangang operahan.

Diin ni Angara ang pagpapalakas sa healthcare system ng bansa ang pangunahing prayoridad sa 2022 national budget sa harap ng patuloy nating laban sa pandemya.

Facebook Comments