PH contingent team, nagdo-double time na sa pagsagip ng mga posibleng survivor ng lindol sa Turkey

Nagdodoble-kayod na ang contingent team ng Pilipinas sa pagsasagawa ng search and rescue operations sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 7.8 na lindol sa Turkey.

Ayon kay MMDA rescuer Erick Bryan Farenas, kalaban nila ang oras dahil habang tumatagal ay lumiliit din ang tiyansa na makahanap sila ng mga survivor.

Hamon din umano sa mga rescuer ang malamig na panahon.


Gayunman, hindi aniya sila nawawalan ng pag-asa na makasagip ng buhay mula sa mga gumuhong gusali doon.

“Sa ngayon, ang masasabi ko, dahil isang linggo na ang nakalipas mula nang mangyari ang earthquake, sobrang miracle na lang po kung makakaligtas pa po sila dahil nga sa lamig dito. Pero sana makakuha pa rin tayo ng live na victim pa rin po,” ani Farenas sa interview ng RMN DZXL.

Una nang tiniyak ng contingent team ng Pilipinas na hindi sila nagiging pabigat sa search and rescue operations dahil well-equipped ng mga bagong kagamitan ang grupo gaya ng life detector, snake eye device at drone.

Nagpasalamat din naman ang grupo sa mga lokal sa Turkey dahil sa pag-aasikaso sa kanila.

“Yung local po dito, yung mga Turkiye, sila, victim ng earthquake, pero sobrang inasikaso nila tayo. Dinadalhan nila tayo ng pagkain, ng security, binigyan tayo ng portalet kasi hirap din po ang tubig dito. Tapos nilagyan nila tayo ng ilaw, binigyan tayo ng kuryente pati internet. Tapos everytime na lalabas kami… magsusunog sila para sa’yo, para hindi kami lamigin,” kwento pa ni Farenas.

Nabatid na dalawang linggong tatagal ang misyon ng contigent team ng Pilipinas sa Turkey.

Facebook Comments