Dumipensa ang Philippine Marin Corps (PMC) sa presensya ng military reservists sa libing ng flight attendant na si Christine Dacera.
Nitong Linggo ay hinatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Dacera sa Forest Lake Memorial Park sa kanyang hometown sa General Santos City.
Ayon kay Marin Commandant, Major General Ariel Caculitan, may ilang military reservists ang itinalaga sa interment ni Dacera para magbigay ng seguridad lalo na at nananatili ang banta ng COVID-19.
Tumutulong ang mga marine reservists sa crowd control.
Mismong nanay ni Christine na si Sharon Dacera ang humiling sa PMC na magbigay ng military assistance at inaprubahan naman ito ng 12th Regional Community Defense Group.
Ang deployment ng reservists sa funeral ni Christine ay hindi nangangahulugang binibigyan na ito ng hero’s burial.
Matatandaang kumalat ang mga litrato sa social media kung saan ang kabaong ni Dacera ay buhat-buhat ng mga sundalo, kung saan puna ng mga netizens na tila binibigyan ang flight attendant ng hero’s burial.