Tutulong ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) sa Department of Health (DOH) at sa mga Local Government Units (LGUS) sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa kahalagahan ng pagbabakuna lalo na sa pagkuha ng booster shot.
Ito ay dahil na maraming booster dose ng bakuna kontra COVID-19 ang hindi pa rin nagagamit sa bansa hanggang sa ngayon.
Ayon kay PHAPi President Dr. Rene De Grano, nakikipag-ugnayan na sila sa DOH at sa mga LGU upang mapataas ang bilang ng mga nagpapaturok na indibidwal ng booster shot sa bansa.
Aniya, nakakapanghinayang kung hindi magagamit ang mga booster dose na libre namang ibinibigay ng gobyerno.
Kaya pagdidiin ni Dr. De Grano, bago pa ma-expired ang mga bakuna ay mahalagang maiturok na ito sa mga dapat maturukan.
Base sa pinakahuling datos ng DOH, umaabot pa lang sa 9.7 million indibidwal ang naturukan ng booster dose sa bansa.