Pharmally Executive Krizle Grace Mago, humarap na sa pagdinig ng Kamara; mga naunang pahayag sa Senado, binawi

Humarap na sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Pharmally Executive Krizle Grace Mago kaugnay sa moto proprio investigation ng pagbili ng pamahalaan partikular ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Binawi ni Mago ang mga naunang pahayag nito sa Senate Blue Ribbon Committee kung saan pinalitan umano ang production date ng mga face shield na binili ng pamahalaan.

Ayon kay Mago, mariin niyang itinatanggi ang mga naunang pahayag dahil siya ay na-pressure lamang sa takot na ma-contempt at mapaaresto ng Senado.


Hindi aniya totoo ang pahayag ng testigo na iniharap ni Senator Risa Hontiveros noong September 24 na nag-deliver sila ng mga damaged items sa gobyerno.

Agad umano nilang naihiwalay ang mga damaged na faceshield at hindi sila nag-deliver ng mga sira o substandard na face shields sa pamahalaan.

Nilinaw rin ni Mago na hindi siya inutusan ni Pharmally Treasurer Mohit Dargani na palitan ang production date bagkus ay magsagawa lamang ng repacking.

Paliwanag ni Mago nang isailalim nila sa quality control ang mga face shield ay may ilang produkto na nayupi kaya’t kinailangan nilang i-repack ng tigsa-sampung piraso kada grupo.

Dahil umano sa pressure at sa takot na kanyang naramdaman kaya humingi na siya ng proteksyon sa Kamara.

Inamin din ni Mago na nahirapan siya dahil pati ang kanyang pisikal at mental na kalusugan ay naapektuhan na bukod pa sa mga harassment na kanyang natatanggap ngayon.

Facebook Comments