Humarap din sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang isang private accountant na sumuri sa halaga na dapat singilin ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Kaugnay ito sa maanomalyang pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) ng overpriced COVID-19 supplies mula sa Pharmally.
Ayon kay Raymond Abrea, Presidente at CEO ng Asian Consulting Group, lumabas sa pag-aaral na posibleng umabot sa P2 billion ang buwis na dapat singilin ng gobyerno sa Pharmally at sa suppliers nito.
Ang TigerPhil Marketing Corporation na nagsuplay ng face mask sa Pharmally ay aminadong hindi nagbayad ng tamang buwis noong una.
Pero giit ni Qingjin Ke, Director ng TigerPhil, binayaran na nila ito nitong Setyembre.
Nabatid na sa pagdinig, ipakukulong na ang magkapatid na Twinkle at Mohit Dargani sa Senate building hanggang hindi ibinibigay ang Pharmally documents.
Hindi rin nakadalo sa pagdinig si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III dahil sa pagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte.