Pharmaserv, handa na sa pagdating ng Pfizer vaccines mamayang gabi; bakunang dumating sa bansa, lalagpas na sa 70 milyong doses

Tiniyak ng kompanyang Pharmaserv na walang masasayang na bakuna kasunod ng inaasahang pagdating ng milyung-milyong COVID-19 vaccines.

Ginawa ang pahayag sa harap na rin ng inaasahang pagdating ng 391,950 dose ng Pfizer vaccine mamayang gabi at pagdating ng 2.5 milyong dose ng Sinovac bukas.

Ayon kay Abegail Revilla, warehouse manager ng Pharmaserv Express, may sapat na espasyo ang kanilang imbakan na may angkop na temperatura depende sa uri ng bakuna.


May kakayanan din anila sila para ma-impake at mai-deliver kahit ang pinakamaselang bakuna tulad ng Pfizer na may maintaining temperature na -80 to -60 degrees Celsius.

Base sa datos, lalagpas na sa 70 milyong bakuna sa bansa na donasyon at binili ng gobyerno.

Samantala, hinikayat ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na bilang proteksyon na sa nakamamatay na COVID-19.

Facebook Comments