Kabilang ang ilang Pilipino sa libo-libong nagboluntaryong sumali sa Phase 3 trials ng isang potensyal na COVID-19 vaccine sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon kay Philippine Ambassador to UAE Hjayceelyn Quintana, daan-daang Pinoy nurses at volunteers ang nais maging bahagi ng vaccine trials nang bisitahin niya ang Group 42 (G42) healthcare station na matatagpuan sa Abu Dhabi National Exhibition Center (ADNEC).
Sa kaniyang pagbisita, ginabayan si Quintana ni Group 42 Chief Research Officer Dr. Waleed Zaher sa trial process, mula sa registration hanggang sa aktwal na pagpapabakuna.
Ang ADNEC trial site ay maituturing isa sa pinakamalaki sa mundo kung saan aabot sa 15,000 katao ang nabigyan ng potensyal na bakuna mula sa iba’t ibang lahi kabilang ang Filipino volunteers.
Ang G42 ay mayroong 181 Filipino frontliners (180 nurses at isang doctor) sa tumutulong sa COVID-19 vaccine trials.
Ang UAE ay isa sa mga bansang nagsasagawa ng Phase 3 trial para sa potensyal na bakuna na na-develop ng Chinese pharmaceutical company na Sinopharm.