Nabigo man ang World Health Organization (WHO) na umpisahan ang Phase 3 ng clinical trial para sa potential Coronavirus Disease vaccines sa ilalim ng solidarity trials sa unang linggo ng Oktubre.
Sinabi ni WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe sa Laging Handa public press briefing na mauumpisahan na ito sa katapusan ng buwan ng Oktubre.
Ayon kay Dr. Abeyasinghe, may protocols pa kasing kinakailangang aprubahan ng Department of Science and Technology (DOST) tulad ng regulatory at ethical clearances bago tuluyang makapagsimula ang clinical trial sa bansa.
Isinasapinal din aniya ang listahan ng mga bakunang isasali sa trial maging ang mga lalahok o mga participants.
Paliwanag nito, nasa 42 bakuna ang nasa advance stage na pero nasa anim hanggang siyam pa lamang na vaccine developers ang malapit nang makakumpleto ng requirements.
Sa panig naman ng participants, nasa apat na libong indibidwal ang pipiliin, hindi kasama rito ang may mga sakit at buntis at dapat ay mayruong malusog na pangangatawan.
10 vaccine sites na aniya ang natukoy kung saan siyam dito ang mula sa Metro Manila at isa sa Cebu.
May data at safety monitoring team din aniyang nakatoka sa participants upang matiyak ang kanilang kaligtasan at agad na malaman kung mayroon mang side effect ang potential COVID-19 vaccine.