Nakatakdang magpalabas ng ₱1.9 million ang Philippine Coconut Authority para tulungang makabangon sa kanilang kabuhayan ang mga coconut farmers na naapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Taal.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, may ipapamigay rin na 150,000 binhi mula sa Coconut Seedlings Dispersal Project (CSDP) at Agricultural Grade Salt Fertilizer para sa mga nasirang kahoy upang mapabilis ang recovery.
Kaugnay nito, ang National Livestock Program, sa pakikipagtulungan ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Service ay naatasan namang magtukoy ng kahit dalawang malalaking farms na gagamitin bilang livestock evacuation center.
Bubuo na rin ng Livestock Operation Center sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center sa Lipa City, Batangas.
Maglalaan naman ng mga sasakyan ang iba pang tanggapan sa ilalim ng DA sa operations center na aasisti sa paglilikas ng mga hayop at pagdadala ng mga feeds at mga suplay para sa mga hayop.