Idinawit ng isang PhilHealth whistleblower si Philippine Red Cross (PRC) Chairperson Senator Richard Gordon sa panibagong maanomalyang kasunduan sa pagitan ng state health insurer at ng non-profit organization.
Sinabi ni dating PhilHealth Anti-Fraud Officer Atty. Thorrsson Montes Keith na maaaring mademanda si Gordon dahil sa umano’y transaksyon sa pagitan ng PhilHealth at PRC dahil sa “gross undue injury” sa pamahalaan.
Iginiit ni Keith na dapat alam ni Gordon na ang pagkakaroon ng kasunduan na magdudulot lamang ng matinding pinsala sa gobyerno ay paglabag sa batas.
Ang anomalous deal ay may kinalaman sa kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o cash advances na ibinibigay ng PhilHealth sa mga ospital.
Ang Red Cross aniya ay nakatanggap ng inisyal na ₱100 million mula sa PhilHealth at daan-daang milyong piso na nangyari sa pagitan ng Marso at Mayo ngayong taon.
Una nang sinabi ni Gordon na maaaring ihinto ng Red Cross ang kanilang COVID-19 testing dahil nabigo ang PhilHealth na bayaran ang natitirang utang nito na aabot sa halagang ₱700.5 milyon.