Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babayaran nila ang kanilang utang sa Philippine Red Cross sa Lunes, October 26, 2020.
Matatandaang itinigil ng PRC ang pagsasagawa ng COVID-19 test na sagot ng PhilHealth matapos hindi mabayaran ang utang na nasa higit ₱930 million.
Sa statement ng PhilHealth, ilalabas nila ang bayad alinsunod sa billing requirements na isinumite ng PRC at pagtalima sa patakaran ng Commission on Audit (COA).
Natanggap na rin nila ang legal opinion mula sa Department of Justice (DOJ) kung saan nakasaad na ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PhilHealth at PRC ay hindi subject ng Procurement Law.
Dahil dito, maipagpapatuloy na muli ng PRC ang testing sa swab specimens sa ilang sektor na sinasagot ng PhilHealth.
Sa ilalim ng MOA, ang PhilHealth ay nagkaroon advance payment na ₱100 million sa PRC para sa COVID-19 testing services sa kabila ng mga umiiral na batas na nagmamandato ng reimbursements.
Ang PRC ay sakop ang 30-porsyento ng kabuuang COVID-19 tests sa buong bansa.