PhilHealth, bumili ng overpriced na test kits at pinipilit na gamitin ng Philippine Red Cross

Bumili umano ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng overpriced na mga COVID-19 test kits ilang buwan na ang nakakaraan at dahil mag-eexpire na ay pinipilit itong ipagamit sa Philippine Red Cross (PRC).

Ayon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon, tinanggihan nila ang nabanggit na COVID-19 test kits dahil ayaw niyang madamay sa isyu ng pagiging overpriced nito.

Hindi naman binanggit ni Gordon ang presyo ng nabanggit na mga COVID-19 test kit at bahala na aniya ang gobyerno na mag-imbestiga.


Wala ring balak si Gordon na pakilusin ang pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee para imbestigahan ito.

Samantala, inalmahan naman ni Gordon ang sinabi ni Congressman Robert Ace Barbers na bina-blackmail ng PRC ang gobyerno sa pamamagitan ng paghinto ng COVID-19 tests habang hindi pa nagbabayad ng P1.1 billion na utang ang PhilHealth.

Diin ni Gordon, masyadong harsh o mabigat ang salitang blackmail na nababagay sa mga kriminal at hindi nararapat para sa Red Cross na humanitarian.

Binanggit pa ni Gordon na nagtayo rin ang Red Cross ng molecular laboratory sa Surigao del Norte na probinsya ni Barbers.

Giit pa ni Gordon, mali na gamitin ang salitang blackmail dahil lang sa ginagawang paniningil ng Red Cross sa PhilHealth.

Facebook Comments