Iginiit ni Presidential aspirant Senator Panfilo Ping Lacson na dapat ang kalihim ng Department of Finance (DOF) ang mamuno sa PhilHealth sa halip na kalihim ng Department of Health (DOH).
Pahayag ito ni Lacson sa harap ng planong PhilHealth holiday ng mga ospital mula Enero 1 hanggang 5 sa susunod na taon bilang protesta sa kabiguan ng PhilHealth na bayaran ang claims ng mga ospital.
Madaming mali na nakikita si Lacson sa PhilHealth, tulad ng pamumuno dito ng isang health practitioner, dating law enforcer o kaya ay retired general.
Dismayado din si Lacson na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin Ombudsman at Sandiganbayan ang mga kasong kriminal at administratibo na inihain laban sa mga matataas na opisyal ng PhilHealth.
Diin ni Lacson, ang mabagal na usad ng mga kaso ang isa sa mga dahilan kaya hindi matuldukan ang katiwalian sa PhilHealth.
Ayon kay Lacson, dalawang taon na ng maisampa ng Department of Justice (DOJ) ang nabanggit na mga kaso na bunga ng imbestigasyon ng Senado.
Paliwanag ni Lacson, ginawa na ng Senado ang parte nito para makatulong na maresolba ang katiwalian sa PhilHealth kaya sana ay kumulos din ang mga kinauukulang sangay ng gobyerno para maisaayos ang PhilHealth.