Nakapiit ngayon sa detention cell sa Kamara si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Internal Legal Senior Manager Atty. Rogelio Pocallan Jr., matapos ma-cite in contempt ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga.
Sinabi kasi ni Pocallan sa joint hearing ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability na maaring baligtarin o bawiin ng PhilHealth ang desisyong ibinaba ng Court of Appeals (CA) matapos na mapag-usapan sa plenaryo ang kaso ng Perpetual Succor Hospital sa Cebu.
Dahil sa sagot ni Pocallan na maaaring ibahin ng PhilHealth ang ruling ng korte ay nag-mosyon si Barzaga at hiniling sa joint hearing na i-cite in contempt ang PhilHealth executive.
Agad itong sinang-ayunan ni Deputy Speaker Dan Fernandez at nang wala naman sa mga miyembro ang tumutol ay agad na ipinag-utos ni Public Accounts Chairman Mike Defensor ang pag-cite in contempt kay Pocallan.
Batay sa CA ruling ay hinatulang guilty ang Perpetual Succor Hospital matapos na palawigin ang period of confinement ng isang pasyente na isang paglabag sa PhilHealth Law.
Sa hatol ng CA ay mahaharap dapat sa tatlong buwan na suspensyon at multang ₱10,000 ang pagamutan pero sa halip ay binago ng PhilHealth ang desisyon at pinagmulta ang ospital ng ₱100,000 at pinagbabayad din sa mga benepisyong ibinigay ng PhilHealth.
Inamin din ni Pocallan sa pagtatanong naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na siya mismo ang nagbaligtad sa desisyon ng CA sa kaso ng Perpetual Succor Hospital.
Mananatili namang naka-detain si Pocallan sa pasilidad ng Kamara hanggang sa August 31, 2020.