Ipinasasailalim ni Senador Sonny Angara ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa special audit ng Commission on Audit (COA) at Governance Commission for GOCCs (GCG).
Kasunod ito ng mga ulat na katiwalian at iregularidad sa ahensya.
Ayon kay Angara, dapat na tingnan ang sinasabing napakabilis na pagbibigay ng pondo ng PhilHealth sa mga pinaburang ospital at health care institution sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pinasisilip din ng senador ang Information Technology Program ng ahensya na itinutulak ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales kung saan may nagaganap umanong overpricing.
Dapat din aniyang busisiin ang pahayag ng isang opisyal nng PhilHealth na tatagal na lamang hanggang 2021 ang pondo ng ahensya kung magpapatuloy ang pandemya.
Samantala, duda naman si House Committee on Health Chairperson Quezon Rep. Angelina Tan na masasagad na kahit ang reserbang pondo ng PhilHealth sa 2022.
Aniya, kahit bumaba ang koleksyon ng PhilHealth at tumaas ang gastusin sa pagpapagamot ng mga miyembrong tinamaan ng COVID-19, marami naman ang hindi kumuha ng kanilang benefit package payment dahil marami ang umiwas sa pagpapa-ospital sa takot na mahawaan ng virus.
Ibig sabihin, malaki aniya ang natipid dito ng PhilHealth.