Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na may pondo ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para sa COVID-19 testing ng mga manggagawa.
Dahil dito ay idiniin ni Villanueva na hindi na dapat balikatin pa ng mga employers ang COVID-19 test ng kanilang mga empleyado.
Paliwanag ni Villanueva, sa ₱22.5-bilyong pondo ng PhilHealth para sa COVID-19 test ngayong taon ay ₱7-bilyon pa lang ang nailalabas kaya may balanse pang ₱15-bilyon.
Ayon kay Villanueva, malinaw sa pagdinig ng Senado na sumang-ayon sa kanya si Health Secretary Francisco Duque iIII, na siyang Chairman ng PhilHealth board.
Ang regular random testing ng mga manggagawa ay iminumungkahi ni Villanueva na maging bahagi ng action plan ng gobyerno sa pagtugon nito sa pandemya.
Tinukoy din ni Villanueva ang datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na 77-percent sa mga nainspeksyong establisyemento ang tumugon sa patakarang inilabas ng DOLE-DTI joint task force para sa COVID-19 prevention pero marami pa ring manggagawa ang nahahawaan ng virus.