PhilHealth members, hinikayat na gamitin ang PhilHealth member portal

Bunsod ng data breach na nagdulot ng pansamantalang manual operations, hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gamitin ang PhilHealth Member Portal para ma-check nang ligtas ang kanilang membership at contribution record.

Maliban sa pag-access ng membership at contribution record, maaari ring magbayad ng kontribusyon ang mga self-paying members sa Member Portal at magparehistro sa accredited Konsulta providers para makagamit ng Konsulta Package. Kung sakaling kailanganin ng mga miyembro ang kopya ng kanilang Member Data Record (MDR), madali din nila itong ma-download sa Portal at ma-print sa pamamagitan ng Portal link na https://memberinquiry.philhealth.gov.ph/member/.

Pinaalalahanan din ng PhilHealth ang mga miyembro na maging maingat at siguraduhing opisyal na website lamang ang ia-access at ito ay ang https://www.philhealth.gov.ph. Idinagdag pa ng ahensya na ang website ay may domain na gov.ph at hindi .com o .net. Ang website connection ay dapat nagsisimula sa tag na https (hypertext transfer protocol secure) at may naka-display na padlock connection secure icon sa gawing kaliwa sa itaas na bahagi.


Para sa mga bagong gagamit ng Member Portal, kailangang gumawa ng sariling account gamit ang kanilang PhilHealth Identification Number (PIN) at mag-assign ng malakas na password.   Makatatanggap sila ng confirmation sa kanilang email address at kapag natanggap na ng PhilHealth ang confirmation, maaari na nilang magamit ang serbisyo ng Portal.

Samantala, pinaalalahanan din ang partner health facilities nito na maaari na nilang ma-access ang Health Care Institution Portal. Dahil dito, hindi na kailangang magdala ng printed MDR ang mga miyembro upang makagamit ng mga benepisyo.

Siniguro rin ng ahensya na lahat ng Filipino, rehistrado man o hindi, ay may karapatang makinabang sa mga benepisyo alinsunod sa Universal Health Care Act. Habang patuloy na ibinabalik ang frontline systems, ang mga hindi pa rehistradong miyembro o walang PIN ay dapat magsumite ng accomplished PhilHealth Member Registration Form (PMRF) kasama ang mga supporting document sa health facility upang makagamit ng mga benepisyo.

Muling umapela si PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag laban sa posibleng phishing attacks. Hinikayat din niya ang mga miyembro na magpalit ng bago at matibay na password, at huwag itong ipagsabi sa ibang tao.

“Mag ingat din po tayo sa mga nag-aalok online na sila na ang mag-aasikaso o kukuha ng inyong PhilHealth ID o MDR kapalit ng bayad. Una, wala pong bayad ang ID at MDR. Ikalawa, wala tayong ino-authorize na mag-ahente sa PhilHealth. Delikado po ito dahil makokompromiso ang inyong personal details” babala ni Ledesma sa mga miyembrong pumapatol sa ganitong alok sa social media.

Muli niyang inihayag ang abiso ng mga eksperto na huwag pansinin at i-click ang mga kaduda-dudang link. “Pinakamabuting iwasan ang mga kahina-hinalang tawag at burahin ang mga text o email mula sa hindi kilala at kahina-hinalang senders upang maiwasang mabiktima ng mga scammer,” wika pa niya.

Facebook Comments