*Cauayan City, Isabela*- Nagbigay na ng abiso ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa mga benepisyo na makukuha ng mga miyembro nito na maaapektuhan ng Corona virus (COVID-19).
Ayon kay Philhealth Manager Joseph Reyes ng Cauayan City, batay sa inilabas ng kanilang pamunuan ay may P14,000 na isolation package para sa mga apektado ng nasabing sakit o Person-under-Investigation.
Hinalimbawa pa ni Reyes na sakaling ang isang pasyente ay nasa isang pagamutan subalit inirekomenda sa ibang pagamutan ay mapagkakalooban din sila ng P4,000 at iba pang benepisyo.
Dagdag pa ni Reyes, ang pagkakaroon ng mild pneumonia ay makatatanggap ng P15,000 habang ang severe pneumonia ay P32,000 package.
Pinaalalahanan din nito ang mga ospital na mangayring tawagan nalang ang kanilang ahensya para maiwasan na dagsain ang kanilang tanggapan para maiwasan ang posibleng pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Panawagan naman ng ahensya sa mga senior citizen na kung magsasadya lamang na kumuha ng ID ay ipagpaliban na lamang o di kaya ay ipag utos nalang sa kanilang kaanak.
Samantala, bukas pa rin ang Philhealth mula Lunes hanggang Biyernes sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Nagpalabas din ng abiso ang Philhealth na naglaan ito ng P30 billion sa mga pagamutan bilang cash advance na marereimburse ng makakapitan ng COVID-19.