PhilHealth, naglabas ng listahan ng mga employer na bigong mag-remit ng kontribusyon

Naglabas ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng listahan ng mga employer na nabigong mag-remit at mag-post ng update sa mga kontribusyon ng kanilang mga manggagawa sa social health insurance fund.

Ayon sa PhilHealth, in-upload nila sa kanilang website ang kumpletong listahan ng mga hindi nagre-remit at hindi nag-uulat na mga employer simula noong Pebrero 2022.

Ang mga employer o mga empleyado na nasa listahan ay binibigyan ng 30 araw para pumunta sa PhilHealth office sa kanilang mga lokalidad para iberipika o i-validate ang kanilang katayuan at ayusin ang kanilang mga natitirang obligasyon.


Ang mga hindi makaksunod ay mahaharap sa Penal Offenses and Penalties at Offenses of Employers ng Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng National Health Insurance (NHI) Act of 2013.

Sa ilalim ng Revised IRR ng NHI Act of 2013, papatawan ng multang hindi bababa sa P5,000 hanggang P10,000 na imu-multiply sa kabuuang bilang ng mga empleyado ang anumang kompanya dahil sa non-remittance, under-remittance o selective remittance ng kontribusyon o ang hindi pagsusumite o pagpo-post ng remittance reports.

Facebook Comments