Sa pagdinig ng Senado ukol sa anomalya sa PhilHealth ay naungkat ang pagpapatupad noong 2004 ng Plan 5-million ni Health Secretary Francisco Duque na siyang President at CEO noon ng ahensya.
Sa hearing ay sinabi ni PhilHealth Davao City Regional Vice President Dennis Adre na ang nabanggit na hakbang ay tulong umano sa kampanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Paliwanag ni Adre, 5-milyon ang ipinamigay na libreng PhilHealth cards dahil 5-milyon din ang lamang sa survey ni dating Presidential candidate Fernando Poe Jr.
Ayon kay Adre, dito nagsimulang malugi ang PhilHealth dahil wala namang kontribusyon ang mga binigyan ng health cards.
Ayon kay Senator Grace Poe, na anak ni Fernado Poe Jr., ang ibinunyag ni Adre ay nagpapakita na nagagamit ang PhilHealth at pondo ng pamahalaan sa eleksyon.
Iginiit naman ni Duque na ang reklamo sa kanya kaugnay dito ay ibinasura na ng Supreme Court kaya sana ay hindi na ito balikan pa.