Nagisa sa pagdinig ng Kamara ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay sa kalituhan sa issuances ng pag-avail sa COVID-19 related benefit packages.
Sa pagdinig ng Committee on Health, sinabi ni Committee Chairman at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan na hindi dapat ipakahulugan ng PhilHealth na ang House Resolution 1966 ay pagtuturo sa kamalian ng ahensya kundi paraan ito para magabayan ang mga Pilipino na malinawan sa pag-avail ng COVID-19 benefit packages.
Sa pagdinig ay natalakay na noong April 2020 ay naglabas ng circular ang PhilHealth kung saan ang mga kumpirmado at probable case ng COVID-19 ay makakakuha ng COVID-19 benefits.
Pero, nagkaroon ng amendments dito matapos maglabas ang PhilHealth ng panibagong circular nitong Hunyo 2021.
Ang nasabing circular ay may retroactive application na applicable mula November 2020, pero ang mga naunang sakop ng benefits package tulad ng mga probable cases ng COVID-19 ay hindi na kasama.
Giit ni Tan, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng PhilHealth, lalo’t batid naman ng ahensya kung gaano katagal para sa mga ospital na umapela at pahirap din ito sa mga pasyente sa kasagsagan ng pandemya.
Nilinaw naman ni PhilHealth President Atty. Dante Gierran na ang mga modification na ginawa sa benefit packages ay kinakailangan dahil ang state social health insurer ay patuloy ang pagre-review sa COVID-19 packages sa harap na rin ng nagbabagong mga protocol.
Aminado naman ang PhilHealth na mayroong mga delay at problemang idinulot ang mga circular kasabay ng pagtitiyak na ginagawan nila ng paraan na masolusyunan ito.