Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi galing sa kanilang ahensiya ang insidente ng mga pekeng resibo noong 2015.
Ayon sa PhilHealth, kagagawan ito ng mga Liaison Officers mula sa ilang recruitment agencies na pinaniniwala ang publiko na napupunta sa PhilHealth ang kanilang mga kontribusyon na wala namang katotohanan.
Paliwanag pa ng PhilHealth, nagkaroon na rin ng pagdinig kaugnay sa insidenteng ito noong 2015 kung saan nakipagtulungan ang ahensiya sa National Bureau of Investigation (NBI) para magsampa ng aabot sa 16 na kaso sa 16 na recruitment agencies kasama na ang 11 Liaison Officers.
Agad naman binasura ang kaso ng PhilHealth Integrity Monitoring Committee dahil sa kawalan ng legal na batayan.
Sa ngayon, aabot na sa 1.2 milyong piso ang nakwenta ng PhilHealth na kino-cover ang 531 overseas-bound member contributions na may pekeng resibo kung saan nasa higit 535 ang narekober hanggang nitong Agosto 2020.
Pinayunan naman ng PhilHealth ang publiko lalo na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na agad ipaalam sa ahensiya ang mga ganitong insidente para magawan agad ng aksyon.